Umangat mula sa rank 116 patungo sa rank 114 ang Pilipinas sa 2026 World Press Freedom Index, ayon sa ulat ng international nonprofit organization na Reporters Without Borders (RSF).
Sa kabila ng bahagyang pag-angat, nananatili pa rin ang bansa sa ibabang kalahati ng talaan ng 180 bansa at itinuturing na isa sa mga pinaka-mapanganib na lugar para sa mga mamamahayag.
Binanggit ng RSF na patuloy na ginagamit ng mga lokal na awtoridad ang “red-tagging” bilang paraan upang patahimikin ang media. Iniuugnay naman ng RSF ang pag-angat ng ranggo ng Pilipinas sa mas malawak na kalagayan ng pamamahayag sa buong mundo.
Ayon sa organisasyon, bumagsak sa pinakamababang antas mula pa noong 2001 ang global press freedom.
Tinatayang 52.2% ng mga bansa ang may “mahirap” o “napakaseryosong” sitwasyon para sa mga mamamahayag.
Sa kabuuan, nananatiling hamon ang kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas at sa buong mundo. (report by Bombo Jai)













