-- Advertisements --
1511918872284

Pumasok sa isang kasunduan ang National Dairy Authority (NDA) at Taiwan Livestock Research.

Ito ay upang makapagsagawa ang mga ito ng pagsasaliksik at mas malawak na pag-aaral sa ilalim ng dairy industry.

Ayon kay NDA Administrator Gabriel Lagamayo, ang partnership sa pagitan ng dalawa ay iikot sa mga research activities, robotics, at pagpapabuti sa breed ng mga hayop na ginagamit sa dairy production.

Nais din ng dalawa na mapag-aralan ang epekto ng climate change sa produksyon ng gatas, at kabuuang epekto nito sa dairy farming.

Sa ilalim ng partnership, magkakaroon din ng palitan ng mga siyentista at eksperto sa pagitan ng dalawa, seminar at mga workshop.

Ayon kay Lagamayo, marami ang mga posibilidad na maaaring mangyari sa ilalim nito, lalo na at nais din ng pamahalaan na matugunan ang mababang produksyon ng gatas sa bansa.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay isa sa mga bansang pangunahing bumibili ng gatas mula sa ibang mga bansa.

Inaangkat nito ang 99% ng supply ng gatas sa Pilipinas para lamang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.