-- Advertisements --

Inirerekomenda ni Presidential Adviser on Cordillera Affairs, Assistant Secretary Antonio Tabora ang pagpasok sa tunneling method sa paggawa ng mga lansangan sa bansa.

Ito ay dahil sa maraming kalamidad na kadalasang nangyayari sa Pilipinas tulad ng mga bagyo at mga pagbaha kung saan maraming mga kalsada ang inaabot ng baha, gumuguho, o nababagsakan ng mga malalaking punongkahoy.

Ayon kay Tabora, panahon na para ikonsidera ng pamahalaan o pasukin ang paggamit ng tunneling method sa paggawa ng mga daan, lalo na sa mga bulubunduking rehiyon.

Naniniwala ang opisyal na magiging malaking ginhawa ito sa mga lugar na prone sa rain-induced damage dahil mas kakaunting maintenance na ang kakailanganin sa mga tunnel.

Ginagamit na aniya ng ibang bansa tulad ng Japan at South Korea ang naturang sistema, at maaari itong tularan ng gobyerno ng Pilipinas.

Mayroon aniyang sapat na kakayahan at teknolohiya ang bansa para isagawa ang naturang sistema, habang maaari ding humiling ang Pilipinas ng dagdag na kaalaman mula sa iba pang mga bansa.