-- Advertisements --

Nakahanda ang gobyerno na i-consolidate ang mga bibilhing coronavirus vaccines katuwang ang mga local government units (LGUs) at private sector para maiwasan na masayang ang mga bakuna dahil sa sobrang bilang ng mga bibilhing gamot.

Sinabi ni National Policy Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr na ang integrated orders ng mga COVID-19 vaccines ay dapat gawin ng mga LGUs at pampribadong sektor upang mamonitor ang dami ng mga bibilhing bakuna.

Ang naging rekomendasyon aniya ng NTF sa LGUs at Department of Health (DOH) ay magsagawa ng public-private partnership sa local level at magkaroon din ng integrated order sa pamamagiyan ng provincial governor.

Ayon naman kay Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing III na naglabas na sila ng abiso sa lahat ng LGU na nagnanais bumili ng sarili nilang bakuna na makipag-ugnayan sa kanilang provincial governments para sa consolidation.

Dagdag pa nito na unang pinayagan ang mga LGUs na bumili ng 50 porsyento ng COVID-19 vaccines para magamit ang matitirang pondo sa iba pang COVID-19 response programs.

Ang ilan aniya sa mga bibilhing bakuna ng mga highly urbanized cities ay ibibigay sa maliliit na LGUs na walang sapat na pondo upang bumili ng gamot.

Inatasan din ng DILG ang mga LGUs na gumawa ng master list ng kanilang mga constituents base sa identified priority sectors para sa inoculation program.

Ang hakbang na ito ay gagawin para hindi raw magdoble ang ibibigay na bakuna.

Tinatayang aabot sa 30 porsyento ng bibilhing bakuna mula France ang masasayang lang dahil sa sobrang orders na ginagawa.