Sinisiyasat na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kung ang Cotabato Trench ang pinagmulan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, patuloy pang sinusuri ng mga siyentipiko ang mga datos upang matukoy ang eksaktong pinagmulan ng malakas na lindol.
Sa ngayon, naitala ang lindol sa paligid ng Sarangani Bay at inaalam pa kung may kaugnayan ito sa Cotabato Trench.
Sinabi rin ni Bacolcol na nananatiling aktibong seismic feature ang Cotabato Trench.
Aniya, ngayong taon ay ika-50 anibersaryo ng mapaminsalang lindol at tsunami na tumama sa Moro Gulf noong Agosto 17, 1976, na may lakas na magnitude 8.1 at nagdulot ng tinatayang 8,000 pagkamatay sa Mindanao matapos itong magmula sa Cotabato Trench.
















