-- Advertisements --
pnp chief azurin

Paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang police presence sa Masungi Georeserve.

Ito ay matapos na lumitaw ang presensya ng umanoy armadong mga indibidwal na may kinalaman sa away lupa na nagdulot ng tensyon sa nasabing lugar.

Ipinahayag ito ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. matapos nilang personal na inspeksyonin ni Interior Secretary Benhur Abalos ang naturang lugar ngayong araw.

Ayon kay General Azurin, ipatutupad ng kapulisan ang 24-hour patrol sa Masungi Georeserve upang maiwasan ang muling pag-usbong ng karahasan at tensyon sa nasabing lugar.

Kasalukuyang na rin aniya silang nakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang malaman naman kung saan nanggaling ang mga ownership document na hawak ng ilang indibidwal doon kahit na deklarado nang “protected area” ang naturang lugar.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na rin aniya nila ang posibleng naging paglabag ng mga armadong lalaki at ang umano’y panliligalig at pag-atake sa isa sa mga caretaker nito.