Nakatanggap ang Philippine National Police (PNP) ng mga kagamitang kontra-terorismo mula sa United States (US), kabilang ang mga bomb suits at trucks.
Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na nagmula ang mga gamit sa Office of Antiterrorism Assistance (ATA) Program ng Diplomatic Security Services (DSS) ng United States Embassy.
Kasama sa mga set ng kagamitan ang 31 bomb suit, 37 digital SCANX, 40 X-ray source, 10 EOD bomb suit batteries, 33 high-risk search techniques kit, 13 SEEKER Kit, at 7 pickup Ford Ranger truck.
Ayon kay PNP Director for Logistics Police Major General Ronaldo Olay, ang mga donasyon ay mapapabuti ang mga kakayahan sa pagtuklas, pagpigil, at pagtugon sa mga banta ng terorista sa bansa.
Dagdag dito, ang turnover ceremony na ginanap sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ay dinaluhan ng mga ranking officials mula sa PNP at US Embassy kabilang si Ambassador MaryKay L. Carlson.
Ang suporta ng Office of Antiterrorism Assistance sa PNP ay nagsimula noong 1986 nang likhain ng US ang programa upang magbigay ng pagsasanay at kagamitan laban sa terorismo sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas ng mga kasosyong iba’t-ibang bansa.