
Nagpasalamat ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga kaalyado ng bansa sa pagpapahayag ng kanilang suporta para sa soberanya ng Pilipinas sa karagatan kasunod ng pagsalakay ng China Coast Guard (CCG) at mga militia vessel sa pitong araw na pagpapatrolya sa West Philippine Sea. (WPS).
Sa isang pahayag, pinasalamatan ni PCG Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng West Philippine Sea (WPS), ang United States at Australia sa kanilang suporta, gayundin ang pagsisikap ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Aniya, ang mga kamakailang pagpapatrolya na isinagawa ng mga sasakyang pandagat ng PCG mula Abril 18 hanggang 24, ay “routine patrols” sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Binatikos din niya ang pahayag ng Beijing na ang ‘dangerous manuevers’ ng China Coast Guard malapit sa mga sasakyang pandagat ng PCG sa regular na pagpapatrolya ay bilang tugon sa mga ‘provocative actions’
Sa kabilang banda, sinabi niya na ang kamakailang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos na i-map ang mga lugar ng pangingisda sa loob ng mga teritoryo ng Pilipinas ay naiugnay na rin sa Department of Affairs.
Inatasan kasi ni Pang. Marcos ang DFA at ang PCG na gumawa ng mapping ng lugar ng pangingisda ng Pilipinas sa WPS kasunod ng muntik na banggaan sa Chinese Coast Guard.
Binigyang-diin din ni Tarriela na ang prayoridad nila ay tiyakin ang karapatan sa pangingisda ng mga Pilipino.









