Nagkasundo si Philippine Marine Corps (PMC) Commandant MGen. Charlton Sean Gaerlan at United States Marine Corps (USMC) Commandant General David Berger USMC, na isulong ang “Integrated readiness plan” ng dalawang pwersa.
Ito’y matapos mag-usap ang dalawang opisyal sa pagbisita ni Gen. Berger sa Marine Barracks Rudiardo Brown, Fort Bonifacio, Taguig.
Bahagi ng Integrated Readiness Plan ang regular na pagsasagawa ng ehersisyo militar, pagpapalakas ng mutual defense systems, paglalatag ng marine security, at pagtatatag ng “rapid mobility” sa kapuluan.
Plano ng USMC at PMC na magtatag ng isang framework para maihanay ang kani-kanilang mga aktibidad sa isa’t isa.
Tiniyak naman ni Gen. Berger ang commitment ng Estados Unidos sa pagpapatag ng samahan ng dalawang bansa, at pag-mantini ng kapayapaan at stabilidad sa rehiyon habang pinapahusay ang interoperability para sa mas mabilis na pagresponde sa anumang krisis.