-- Advertisements --

Tuloy pa rin ang COVID-19 swab service ng Philippine Red Cross kahit hindi pa nababayaran ng PhilHealth ang ilang milyong utang nito sa naturang organisasyon.

Ayon sa PhilHealth, Martes noong nakaraang linggo nang binayaran nila ang P123 million na utang sa Philippine Red Cross.

Natanggap lamang aniya nila ang panibagong listahan na nagdedetalye sa P714 million unpaid balance noong Huwebes hanggang Sabado lamang.

Nauna nang nagbanta si Philippine Red Cross president and CEO Richard Gordon sa posibilidad na mahinto ang kanilang COVID-19 swab test service sakaling hindi mabayaran ng PhilHealth ang milyun-milyong utang nito sa kanila.

Nabatid na sa ngayon ang Philippine Red Cross ang may pinakamurang singil sa COVID-19 test na nagkakahalaga lamang ng P4,000.

Hindi hamak na mas mura ito kung ikumpara sa P10,000 na singil ng ilang pribadong ospital para sa kanilang COVID-19 swab tests.