Nasa 10 generator sets ang tinanggap ng pamunuan ng Philippine Navy para sa mga outpost ng militar sa West Philippine Sea.
Ito ay nagmula sa donasyong ipinaabot ng Armed Forces and Police Savings and Loans Associations, Inc. na pinamumunuan ngayon ni retired Navy Vice Adm. Gaudencio Collado Jr. na tumatayong presidente at CEO ng naturang asosasyon.
Kumpiyansa si ret. VAdm. Collado na ang mga ito ay pawang mga “mission critical equipment” na tiyak na makakatulong naman aniya sa mga tauhan ng PH Navy pagdating sa pagtupad sa kanilang tungkulin sa pagbabantay sa mga military outpost ng bansa sa West Philippine Sea.
Kasabay nito ay muli ring binigyang-diin ng dating Navy official na mananatiling kaisa ng kanilang samahan ang Philippine Navy lalo sa pagtataguyod ng maritime interests at soberanya ng Pilipinas sa naturang pinag-aagawang bahagi ng karagatan.
Samantala, kaugnay nito ay nagpahayag naman ng lubos na pasasalamat si Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr. sa donasyong ito na makakatulong naman aniya sa mga operasyon ng kanilang hukbo partikular na sa pagprotekta sa mga teritoryo ng ating bansa sa WPS. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)