-- Advertisements --
image 455

Nakiisa ang Pilipinas sa United Nations para sa panawagan sa agarang pag-atras ng mga tropa ng Russia mula sa Ukraine nang walang hinihinging kondisyon kasabay ng pag-marka ng unang anibersaryo ng giyera kaakibat din ng panawagan para sa makatarungan at pang-matagalang kapayapaan.

Ang naging hakbang ng Pilipinas sa UNGA ay alinsunod sa deklarasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr na papanigan ng bansa ang anumang hakbang na nagsusulong ng kapayapaan sa Ukraine upang matigil ang patayan at giyera.

Ito ay kasunod na rin ng naging pag-uusap nina Pangulong Marcos at Ukraine President Zelensky sa telepono para sa pagpapalalim pa ng kooperasyon ng dalawang bansa.

Sa naging botohan sa ika-11 emergency special session ng United Nations General Assembly, nakakuha ang Ukraine ng isang matatag na suporta kung saan nasa 141 mula sa 193 member states ng UN ang pumabor, 7 ang tumutol at 32 kabilang ang China at India sa nag-abstain.

Ang mga bansang tumutol sa nasabing resolution ay ang Belarus, North Korea, Eritrea, Mali, Nicaragua, Russia at Syria.

Ang nasabing pagboto naman ng pabor sa resolution para sa withdrawal ng Russia ay nagpapakita ng suporta ng international community sa Ukraine.

Pinagtibay din ng naturang resolution ang suporta para sa soberanya at territorial integrity ng Ukraine na nagbabalewala sa anumang claim ng Russia na kontrolado nito ang ilang parte ng Ukraine.