Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa East Asia at Pacific Region na may pinakamataas na learning poverty rate o ang porsyento ng 10 taong gulang na mga bata na hindi nakakabasa at nakakaintindi ng isang simpleng teksto sa edad na 10 o sa pagitan ng Grade 4 at Grade 5 sa ilalim ng K-12 system ng bansa.
Sa panibagong report mula sa World Bank na siyang sumusubaybay sa kalidad ng edukasyon sa rehiyon, lumalabas na siyam mula sa 10 batang Pilipino na edad 10 taong gulang ay nahihirapan pa ring magbasa ng mga simpleng teksto.
Batay sa pagtaya pa ng World Bank, aabot sa 91 porsyento ng mga bata sa Pilipinas na nasa late primary age ay hindi marunong magbasa.
Kumpara sa mga karatig na bansa sa rehiyon, ang learning poverty rate sa bansa ay mas mataas ng 56.4 points at mas doble ang regional average na 34.5%.
Saad ng World Bank na ang nakikitang problema ay dahil sa significant number ng out-of-school youth. Sa Pilipinas, 5% ng primary school-aged children ay hindi naka-enroll sa paaralan.
Tulad ng karamihan sa ibang mga bansa, mas mataas ang learning poverty sa Pilipinas sa mga kalalakihan kumpara sa mga kababaihan.
Tinukoy ng World Bank ang dalawang dahilan, una ay 5.1% ng mga batang lalaki ay out of school habang nasa 4.8% lamang sa mga batang babae. Ikalawa ang mga lalaki, nasa 91.7% ng mga batang lalaki ang maliit ang tiyansa na makaabot ng minimum proficiency sa pagtatapos ng elementarya habang nasa 89.2% naman sa mga batang babae.
Base din sa latest data ng Washington-based lender na ang Pilipinas ay isa sa lower-middle income economies.