-- Advertisements --

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Philippine Consulate kung may Pilipinong naapektuhan ng salpukan ng dalawang tren sa Manhattan subway.

Ayon kay New York Consul General Senen Mangalile, wala pa silang natatanggap na ulat ng mga Pilipinong sangkot sa aksidente.

Una rito, mahigit 20 pasahero ang nasugatan sa banggaan ng dalawang tren na lulan ng humigit-kumulang 500 pasahero.

Ayon sa imbestigasyon, bumangga sa isa pang tren ang isang tren na bumibiyahe mula Manhattan patungo sa Bronx na nagresulta sa pagkadiskaril ng isa sa mga tren.

Mabilis namang rumesponde ang mga paramedic at inasikaso ang mga sugatang pasahero at dinala sa pinakamalapit na ospital.

Nagdulot din ng pagkaantala sa operasyon ng subway ang aksidente at naapektuhan ang ilang commuters.

Kasalukuyan ng iniimbestigahan ng New York Metro Transportation Authority ang naturang insidente.