-- Advertisements --

Mahigpit na binabantayan ngayon ng Philippine Consulate General sa Los Angeles ang isinasagawang malawakang immigration operations ng US federal authorities sa iba’t ibang bahagi ng CAlifornia, na nagdulot ng tensyon at protesta mula sa mga grupo ng karapatang pantao.

Ayon kay Consul General Adelio Angelito Cruz, sinisiyasat pa ng konsulado ang ulat na isang 55-anyos na Pilipino mula Ontario, California ang kabilang sa mga inaresto ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE).

Batay sa paunang ulat, ang nasabing indibidwal ay may pending immigration case at dati nang nahatulan ng 4 na taong pagkakakulong para sa burglary, at kasalukuyang nagsisilbi ng 37-taong sentensiya kaugnay sa kasong sexual assault at attempted rape sa Pomona.

Magugunita na ang operasyon ng Immigration and Customs Enforcement na nagsimula noong nakaraang Biyernes ay nagbunsod ng malawakang protesta sa Los Angeles, kung saan kinundena ng mga advocacy groups ang umano’y labis at diskriminatoryong paraan ng pagpapatupad ng batas.

Samantala, maalalang mahigit 2,000 National Guard troops na ang ipinakalat ni U.S. President Donald Trump sa iba’t ibang lugar sa California upang tumulong sa operasyon.