
Bahagyang umangat ang Pilipinas sa World Press Freedom Index ngayong 2023 subalit nananatiling isa sa mga bansang pinakadelikado para sa mga mamamahayag sa buong mundo ayon sa Reporters Without Borders.
Sa taunang ulat na inilabas sa World Press Freedom day, nasa ika-132 ranggo ang Pilipinas mula sa 180 mga bansa mula sa 147th spot noong 2022.
Sa kabila ng improvement na ito, nakakuha ang Pilipinas ng puntos na 46.21 kung saan nananatiling isang “difficult” country ang Pilipinas para sa mga mamamahayag.
Sa report din ng Paris-based media watchdog, ang pagkahalal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr noong Hunyo 2022 ay lubhang nakakabagabag para sa karamihan ng Filipino journalists dahil sa reputasyon ng kanyang yumaong ama, dating diktador na nagpatahimik sa media noong panahon ng martial law na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Subalit kapansin-pansin din na lumuwag ang mga constraint sa media sa ilalim ng bagong administrasyon.
Isa ding encouraging development ang pag abswelto kay Nobel Peace Prize winner Maria ressa sa tax evasion case nito.
Sa kabila nito, ipinunto ng National Union of Journalist of the Philippines na marami pa rin sa mga mamamahayag sa ating bansa ang humaharap sa mga banat at nananatiling mahina ang press freedom sa ating bansa.
Sa datos ng NUJP, nakapagtala ng 60 karahasan laban sa mga mamamahayag mula hunyo 30, 2022 hanggang Abril 30, 2023.










