Tinalakay ng mga security advisors ng Pilipinas at US sa telepono ang panibagong mapanganib na maniobra ng barko ng China laban sa supply boat ng PH sa katubigan ng Ayungin shoal.
Kung saan tiniyak ni US National Security Advisor Jake Sullivan kay PH National Security Adviser Eduardo Año ang commitment ng Amerika na iinvoke ang Mutual Defense Treaty sakaling magkaroon ng armadong pag-atake sa PH assets sa pinagtatalunang karagatan.
Binigyang diin din ng US official ang suporta ng US para sa kaalyado nito na PH kasunod ng mapanganib at hindi makatarungang aksiyon ng Chinese maritime militia na bumangga sa resupply boat ng PH noong Oktubre 22.
Pinagtibay din ng US at PH official ang matatag na alyansa at pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa at pinag-usapan din ang nalalapit na US-PH engagements at mga hakbangin para palakasin pa ang close partnership.
Ang paguusap ng 2 security advisors ng PH at US ay kasunod na rin ng inilabas na statement ng US State Department na nanindigan sa commitment nito na depensahan ang PH kasunod ng pagbangga ng barko ng China sa supply boat ng PH.