-- Advertisements --
image 109

Todo pasasalamat ngayon ang mga petitioners ng Joint Marine Seismic Undertaking sa pagitan ng mga kompanya ng langis mula sa Pilipinas, Vietnam at China.

Ito ay kasunod na rin ng pagdedeklara ng Supreme Court (SC) na ito ay labag sa saligang batas.

Bagamat inabot ng 14-na-taon bago nadesisyunan ang kaso sinabi ni dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, malaki ang pasalamat niya sa pagpanig sa kanila ng SC.

Ayon kay Casiño, bagamat inabot ng mahigit isang dekada bago nailabas ang desisyon, nanatiling relevant ang isyu lalo’t kasama sa mga plano ng kasalakuyang administrasyong Marcos ang pagpasok sa joint exploration sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China.

Sabi ni Casiño, dapat itong magsilbing babala kay Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Pinasalamatan din ni Casiño ang mga abogado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL).

Una rito, sa botong 12-2-1 ng mga mahistrado ng Supreme Court, pinawalang bisa ng kataas-taasang hukuman ang Tripartite Agreement para sa Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) na pinasok ng China National Offshore Oil Corporation (CNOOC), Vietnam Oil and Gas Corporation o PETROVIETNAM, at Philippine National Oil Company (PNOC) sa South China Sea na may lawak na 142,886 square kilometers.

Sabi ng Korte Suprema, unconstitutional ang Joint Marine Seismic Undertaking dahil sa pagpayag sa “wholly-owned corporations” o mga korporasyong pag-aari ng mga dayuhan na lumahok sa exploration sa natural resources ng Pilipinas nang walang pagtiyak sa mga “safeguards” sa ilalim ng Section 2, Article XII ng 1987 Constitution.

Nag-ugat ang kasong ito sa inihaing petition for certiorari and prohibition ng noo’y Bayan Muna Party-list Representatives na sina Satur Ocampo at Teddy Casiño na kumuwestiyon sa ligalidad ng Joint Marine Seismic Undertaking.

Ayon sa mga petitioner, labag sa Section 2, Article XII ng 1987 Constitution ang nasabing kasunduan dahil sa ilalim nito, dapat ay nasa ilalim ng full control at superbisyon ng Pilipinas ang anomang exploration, development at paglinang sa natural na likas na yaman ng bansa.

Naniniwala ang mga petitioner na iligal ang Joint Marine Seismic Undertaking nang pahintulutan dito ang mga dayuhang korporasyon na “wholly-owned” ng China at Vietnam na magsagawa ng malawakang exploration sa petroleum resources ng bansa.

Pero sabi ng mga respondents sa kaso, hindi angkop sa naturang Joint Marine Seismic Undertaking ang binanggit ng mga petitioner na probisyon ng konstitusyon dahil ito ay para lamang sa “pre-exploration activities”.

Pero sabi ng Supreme Court, ang terminong “exploration” ay patungkol sa paghahanap o pagkatuklas ng isang bagay.

Ayon sa Korte, kasama sa Joint Marine Seismic Undertaking ang exploration ng natural resources ng bansa partikular na ang petrolyo.

Ayon sa SC, malinaw dito na isinagawa ang Joint Marine Seismic Undertaking para alamin kung mayroong petrolyo sa napagkasunduang lugar o parte ng Pilipinas.

Pasok daw ito sa isinasaad ng Section 2, Article XII ng 1987 Constitution.

Si Associate Justice Samuel Gaerlan ang sumulat ng desisyon na sinang-ayunan naman ni Chief Justice Alexander Gesmundo at ng 10 pang mga mahistrado ng Korte Suprema.

Mayroong namang dissenting opinion sina Associate Justices Amy Lazaro-Javier at Associate Justice Rodil Zalameda habang hindi naman nakasama sa botohan si Associate Justice Ramon Paul Hernando na naka-leave sa trabaho.