-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Matapos ang pagsasampa ng petition for certiorari and prohibition ng mga abogadong kaalyado ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema noong Huwebes sa pangunguna nina Atty. Torreon, Atty. Martin Delgra III, Atty. Victor Rodriguez at iba pa, isa na namang grupo ng mga abogado ang magsasampa ng petition for intervention sa parehong hukuman.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, ipinaliwanag ng Agusanon Constitution at political expert Atty. James Reserva na sentro ng kanilang petisyon ang pagbibigay ng pantay na proteksyon kay VP Sara Duterte dahil sa umano’y kakaibang pagtrato ng House Justice Committee sa impeachment complaint laban sa bise presidente kumpara sa naunang reklamo laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nilinaw niya na ang kanilang petisyon ay magpapalakas lamang sa mga argumentong inilahad ng grupo nina Atty. Torreon upang maipakita sa Korte Suprema ang supremacy ng Konstitusyon ng Pilipinas.

Bukod dito, sinabi rin niyang labis ang pang-aabuso ng komite sa kanilang kapangyarihan dahil sa ilalim ng konstitusyon, limitado lamang ito sa pag-umpisa ng impeachment complaint at hindi sa pagdinig o pagdedesisyon dito, gaya ng ginawa nilang tila mini-trial.