CEBU – Personal grudge ang isa sa tinitingnang motibo sa pagbaril-patay sa isang Police Officer ng Asturias Police Station sa Purok Manga, Brgy. Dumlog sa lungsod ng Toledo, Cebu.
Kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Gerfil Opeña Geolina, 44 taong gulang at residente sa Brgy. Das Toledo City.
Ayon kay Police Lt. Col. Jonel Caadlawon, ang hepe ng Toledo Police Station, nakarinig ng putok ng baril ang mga taong nasa lugar kaninang umaga hanggang sa bumulantang na ang motorsiklo na sinasakyan ng biktima na galing pa umano sa duty. Napag-alaman na ang biktima ay isa sa mga rumesponde sa Katimugang bahagi ng Cebu na binaha dahil sa malakas na pag-ulan.
Sa ngayon patuloy na iniimbestigahan ng otoridad ang naturang krimen at pinaghahanap na ang riding-in-tandem na tinuturong responsable sa pagbaril ng Police Officer na agad nakatakas matapos ginawa ang krimen.
Sinubukan pang dalhin ang biktima sa pinakamalapit na hospital ngunit hindi na umano nito nakayanan ang natamong mga sugat at inasikaso na lang ito ng taga SOCO Team at ng taga City Disaster Office na rumesponde sa crime scene.
Nakipagtulungan na ang Toledo Police Station sa mga karatig bayan para sa follow-up operation upang makilala ang nasa likod ng pagbaril-patay kay Police Staff Sergeant Geolina.