-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Senador Jinggoy Estrada na ang patuloy na pagsulong na amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng people’s initiative (PI) ay pag-atake sa check and balances at bicameralism na layong pigilan ang Kongreso na abusuhin ang kapangyarihan. 

Inamin ni People’s Initiative for Reform Modernization and Action (PIRMA) National Lead Convenor Noel Oñate na ang layunin ng panukala ng grupo sa pag-amyenda sa Konstitusyon na pagpapasyahan ng Kamara at Senado na bumoto nang iisa ay upang mawalan ng boses ang Senado. 

Giit ni Estrada, sa kanyang privilege speech, na ang ideya sa pagsasamang boto ay hindi lamang kawalan ng saysay sa bicameral system kundi insulto sa institusyon at pagtataksil sa tiwala ng taumbayan sa kanila. 

Samantala, pinunto naman ni Senadora Pia Cayetano na simula pa noong 1935 Constitution magkahiwalay nang bumuboto ang dalawang kapulungan ng kongreso at palaging may bicameral conference ang Senado at Kamara. 

Ang punto ni Estrada at ni Cayetano ay upang suportahan ang mga argumento na nilagdaan ng 24 na mga Senador na kumokondena sa tinatawag na “people’s initiative” kung saan umano’y suportado ng pamunuan at mga miyembro ng House of Representatives. 

Tinukoy din ng mga mambabatas sa Senado na mawawalan ng kapangyarihan ang mataas na kapulungan na pigilan ang mga pinaka-radikal na panukala, kabilang ang pagpapahintulot ng foreign land ownership at ang pagtanggal ng mga term limits.