-- Advertisements --

Nagbabala si US Secretary of Defense Pete Hegseth sa Asia -Pacific region at sa buong mundo kaugnay sa paghahanda ng China sa paggamit ng military force nito para baguhin ang balanse ng kapangyarihan sa Indo-Pacific.

Ginawa ng Pentagon chief ang babala sa kaniyang talumpati sa Shangri-La Dialogue, ang taunang security forum, na idinaos sa Singapore.

Sinabi din ni Hegseth na nagsasanay ang People’s Liberation Army (PLA) forces araw-araw para gumawa ng military action laban sa Taiwan.

Inihayag din ng Pentagon chief na ipinag-utos ni Chinese leader Xi Jinping sa kaniyang militar na maging handa pagsapit ng 2027 para salakayin ang Taiwan na inaangkin ng China bilang teritoryo nito.

Sa kabila nito, nangako aniya si US President Donald Trump na hindi nito papayagang mahulog ang Taiwan sa China sa ilalim ng kaniyang pamumuno.

Hinimok din ng US official ang mga kaalyado ng Amerika at partners nito sa rehiyon para magkaisa laban sa China, maging sa isyu sa Taiwan at iba pang regional disputes kung saan agresibong isinusulong ng China ang kanilang agenda gaya na lamang sa pinagtatalunang karagatan (South China Sea).

Hinikayat din ni Hegseth ang mga bansa sa Asya na taasan pa ang kanilang defense spending tulad aniya ng mga kaalyado sa North Atlantic treaty Organization (NATO) na tinaasan ang pondo sa depensa sa 5% ng gross domestic product (GDP).

Samantala, nilinaw naman ng Pentagon chief na hindi ninanais ng Amerika na magkaroon ng conflict sa China, bagkus iginiit niya na hindi papayagan ng Trump administration na mangibabaw ang agresyon ng China.