Big winner ang pelikulang Oppenheimer sa Oscars 2024 na ginanap sa Hollywood, Los Angeles ngayong araw.
Umuwi ang Oppenheimer ng pitong awards kabilang na ang Best Picture, Best Cinematography, Best Film Editing, at Best Original Score.
Nasungkit din ng direktor nito na si Christopher Nolan ang Best Director award samantalang ang lead actor nito na si Cillian Murphy ay itinanghal naman na Best Actor.
Pinarangalan naman na Best Actress si Emma Stone dahil sa pagganap nito sa pelikulang Poor Things.
Ito na ang ikalawang Best Actress award ni Stone mula sa prestihiyosong Oscars.
Inialay niya ang nakamit na parangal sa lahat ng nominado sa kategorya gayundin sa kaniyang anak.
Iginawad naman ang Best Original Song sa kantang What Was I Made For ni Billie Eilish na ginamit sa pelikulang Barbie. Matatandaang inuwi rin ng naturang theme song ang Song of the Year sa 2024 Grammys.
Samantala, umulan naman ng kasiyahan ang agaw-pansin na pag-present ng award ni John Cena ng Best in Costume Design matapos itong lumabas ng stage nang walang saplot at tanging ang envelope na hawak lamang ang itinakip sa pribadong bahagi ng katawan.