Tinutulak ngayon ng Negros Oriental Provincial Police Office ang isang peace covenant at inimbitahan ang 25 local chief executives ng lalawigan upang simulan ang “healing process” matapos ang nangyaring Pamplona massacre noong Marso 4.
Inihayag ni Negros Oriental Police Office Director PCol Alex Recinto, na matapos ang insidente ay nagkaroon sila ng mga konsultasyon sa sektor ng negosyo, at nakita umano nila ang epekto nito partikular sa ekonomiya ng lalawigan.
Magsisilbi naman itong ambassador for Peace and Prosperity kasama si Dauin Mayor Galicano Truita.
Sinabi pa ni Recinto na nagsimula na umano siyang maglibot, at nag courtesy call sa mga lokal na opisyal at iba pang pinuno ng ahensya upang anyayahan sila sa iminungkahing peace covenant.
Binigyang-diin pa nito na ang aktibidad ay hindi lamang para sa kapayapaan kundi para rin sa kaunlaran at pagkakaisa na sumulong sa gitna ng trahedya.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 10 alkalde na sa Negros Oriental ang nagbigay ng kanilang suporta para sa nasabing aktibidad upang makamit ang kapayapaan na magbibigay-daan sa “healing at recovery process” ng mga tao.
Wala namang ibinigay na eksaktong petsa para sa peace covenant dahil hinihintay pa rin umanong matapos ang isinagawang courtesy call at pagbisita sa iba pang mga alkalde.