Inirekominda ng isang kongresista na maimbestigahan din ang Philippine Depository Receipts (PDRs) ng iba pang malalaking broadcasting networks katulad ng pagsilip na ginagawa ng Kamara sa PDRs ng ABS-CBN.
Sa pagdinig ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability sa franchise application ng ABS-CBN, sinabi ni Nueva Ecija Rep. Micaela Violago, na katulad ng naging pahayag ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, ang PDRs na isinumite ng GMA-7 ay kapareho ng sa ABS-CBN.
Ang nakikita lamang aniya nilang pagkakaiba sa dalawa ay ang presyo ng PDRs ng mga ito.
Sinabi ni Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla na maaring silipin din ng Kamara ang PDRs ng iba pang malalaking broadcasting network pero kailangan na may maghain muna aniya ng resolusyn para rito.
Nauna nang sinabi ni Sy-Alvarado, chairman ng committee on good government and public accountability committee, na tanging ang GMA-7 pa lamang ang nakapagsumite ng kopya ng kanilang PDRs.
Hunyo 11 nang hilingin ni Sy-Alvarado ang kopya ng PDRs ng mga media at broadcasting companies sa bansa sa gitna ng pagdinig hinggil sa umano’y mga paglabag ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa.