Nagbabala si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairperson Junie E. Cua sa publiko laban sa mga naglipanang online scammers sa bansa.
Ginawa ni Cua ang paalala matapos umanong makarating sa kanyang kaalaman ang paulit-ulit na paggamit ng mga scammers sa PCSO logo para lamang makapanloko at makalikom ng malaking halaga ng pera.
Maliban sa paggamit sa ahensiya, ilan sa mga ito ang gumagamit din umano sa kaniyang pangalan, kasama ang iba pang mga opisyal ng PCSO.
Babala ng opisyal sa publiko, huwag paniwalaan ang mga indibidwal o grupo na lumalapit at nag-aalok ng ibat ibang pagkakakitaan, gamit ang kanyang pangalan o ang pangalan ng PCSO dahil sa tiyak na panloloko ang mga ito.
Nagbabala rin ang opisyal laban sa mga link na ipinapadala sa pamamagitan ng phone numbers at social media, at ginagamit ang pangalan ng PCSO.
Hindi aniya ito ginagawa ng ahensiya, kayat tiyak na panloloko ang mga ito.