Isang 26-anyos na lalaki ang nahulog sa dagat mula sa isang cargo-passenger vessel sa Batangas.
Kinilala ng PCG ang nawawalang pasahero na si Ralph Bernard Gerona, residente ng Iloilo City.
Sakay ng MV Maligaya si Gerona nang mahulog umano ito mula sa barko sa vicinity waters ng Calatagan bandang 3:50 p.m.
Ang MV Maligaya ay isang passenger vessel na mayroong gross tonnage na 29.05 at net tonnage na 12.56.
Ito ay nasa biyahe mula Maynila patungong Bacolod, at may sakay na 126 crew members at 425 pasahero nang mangyari ang insidente.
Sinabi ng PCG na inalerto nito ang operator ng Vessel Traffic Management Service (VTMS)-Corregidor hinggil sa insidente ng man overboard.
Sa ngayon ay agad na sinimulan ng Coast Guard Sub Station (CGSS) Calatagan ang search and rescue operations, kasama ang koordinasyon sa VTMS Batangas, mga tauhan ng Sea Marshall na sakay ng MV Maligaya, at CGSS Lubang para sa paghahanap ng naturang indibidwal.