-- Advertisements --

Walang pruweba na mga ispiya ang mga Chinese national na na-recruit para maging miyembro ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA).

Ito ang paglilinaw ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo ngayong araw matapos mabunyag sa committee hearing ng Kamara kahapon na nag-enlist ang PCGA ng Chinese nationals bilang boluntayong miyembro para sa humanitarian operations.

Naibulgar ito sa gitna ng umiigting pa na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa maritime dispute sa West Philippine Sea.

Ipinaliwanag pa ng PCG official na nagkaroon ng vetting process ng nag-apply ang mga Chinese national para maging miyembro ng PCGA at matagal na umanong tumutulong ang mga ito sa Coast Guard sa humanitarian assistance donations.

Binigyang diin din ni Rear Admiral Balilo na wlang kinalaman ang Chinese auxiliary members sa mga sensitibong operasyon ng PCG.

Samantala nasa kabuuang 36 na Chinese nationals ang natanggal sa PCGA noong Disyembre ng nakalipas na taon.

Paliwanag ni Balilo na kasapi ng PCGA ang nasabing mga chinese national noong 2015 noong hidni pa ganun katindi ang tensiyon sa WPS.