-- Advertisements --

Kinalampag ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang gobyerno ng Pilipinas para payagan nang bumalik sa kalsada ang mga pampublikong transportasyon tulad ng mga bus at jeepney.

Ito’y dahil na rin karamihan ng mga empleyado ay nahihirapan na makahanap ng masasakyan papasok sa kanilang mga trabaho lalo na sa mga lugar na nasa ilalim na ng General Community Quarantine (GCQ).

Isa ito sa sampung rekomendasyon ng PCCI sa isinagawang online conference para sa Sulong Pilipinas forum ngayong taon.

Inanunsyo rito ni PCCI president Benedicto Yujuico ang 10 “actionable recommendations” ng grupo kung saan saklaw ang iba’t ibang paksa tulad ng agrikultura, edukasyon, internet connectivity at public transportation.

Ayon dito kailangan nang payagan ng gobyerno ang pagbabalik-operasyon ng mga pampublikong sasakyan habang sinusunod ang mga patakaran na pinapairal ng bansa para labanan ang COVID-19.

Dapat na rin daw maging bukas ang gobyerno sa mas sustainable na mode of transportation at maglagay ng mas marami pang pedestiran at bike lanes.

Sinuportahan naman ang ideyang ito ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto dahil ang kakulangan daw ng sasakyan sa kalye ay hindi umano nakakatulong sa mga nakalatag na hakbang para muling makabangon ang ekonomiya na sumadsad dahil sa pandemic.