-- Advertisements --

Pinasinungalingan ngayon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ang mga lumabas na balitang si deputy chief for administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na susunod na PNP chief.

Ayon kay Abalos, wala pa raw napipili si Marcos at nagpapatuloy pa rin ang selection process para sa unang PNP chief na manunungkulan sa ilalim ng Marcos administration.

Kapag pag-uusapan ang rule of succession ang iba nag contender maliban kay Sermonia ay ang No. 2 sa PNP command na si Lt. Gen. Vicente Danao Jr. na deputy chief for operations.

Naging officer-in-charge si Danao sa 225,000 na pulis noong nagretiro si Gen. Dionardo Carlos noong May 6.

Kapag napili si Sermonia na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1989 ay magtatapos ang kanyang termino sa 2024 kapag naabot na ang mandatory retirement age na 56.

Habang si Danao na mula sa class of 1991 ay may isang taon pa sa serbisyo kung siya ang mapipili dahil magre-retiro ito sa August 2023.

Ilan pa sa mga matutunog na pangalan sa PNP top post ay si Lt. Gen. Rodolfo Azurin Jr., Area Police Command-Northern Luzon chief; Maj. Gen. Valeriano De Leon, director for operations; Maj. Gen Felipe Natividad, National Capital Regional Police Office chief at Brig. Gen. Benjamin Acorda Jr., director of the Police Regional Office-Northern Mindanao.

Si Azurin at De Leon ay parehong miyembro ng PMA Class of 1989 at may isang taon pa sa serbisyo.

Si Natividad naman ay miyembro ng Class of 1990 at si Acorda ay nagtapos sa PMA noong 1991.