-- Advertisements --

Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga pangunahing opisyal ng Gabinete at tinalakay ang imbestigasyon na iginigiit ng International Criminal Court (ICC) sa mga umano’y krimen na ginawa sa operasyon ng ilegal na droga ng nakaraang administrasyon.

Ngunit tumanggi si Solicitor General Menardo I. Guevarra na magbigay ng mga detalye.

Aniya, ang tanging agenda ay ang posisyon ng gobyerno sa imbestigasyon ng ICC at ipapaubaya nalang niya kay Pangulong Ferdinand Marcos na ilatag sa publiko ang kanilang napag-usapan.

Dumalo rin sa pulong sina Executive Secretary Victor Rodriguez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, at Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.

Magugunitang, noong Hunyo 24, iminungkahi ni ICC Prosecutor Karim Khan sa harap ng ICC Pre-Trial Chamber ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga umano’y krimeng ginawa noong drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pagkatapos ay naglabas ng kahilingan ang ICC noong Hulyo 14 na humihiling sa gobyerno ng Pilipinas na magkomento sa panukala ni Khan.

Nauna nang sinabi ni Guevarra na ang Office of the Solicitor General (OSG), ang law firm ng gobyerno, ay nagsimula nang pag-aralan ang mga aksyon na dapat gawin.