-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatayo ng mga modular shelter unitsbilang mas kumportableng pansamantalang tirahan para sa mga residenteng nawalan ng bahay matapos ang malalakas na lindol kamakailan.

Sa isang situation briefing nitong Lunes sa Tarragona, Davao Oriental kaugnay ng dalawang lindol na tumama sa rehiyon noong Oktubre 10, sinabi ng Pangulo na magtatayo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng 150 modular shelter units sa lalawigan para sa mga biktima ng lindol.

“’Yung naging solusyon natin sa Cebu ay tent city. Pero mayroon na tayong mas bagong sistema. Papalitan natin ang tent cities ng modular shelters na nakita nating mas matibay, mas kumportable, para kahit na medyo matagalan,” pahayag ng Pangulong Marcos.

Ayon sa DHSUD, sisimulan ang pagtatayo ng mga modular shelter units sa darating na Biyernes, upang maaaring lumipat na ang mga apektadong residente sa Lunes.

Ang mga modular shelter ay may mga pangunahing pasilidad tulad ng palikuran, suplay ng tubig at kuryente, at mga communal kitchen.

Ang mga tirahang ito ay bahagi ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) ng DHSUD.

Nauna nang nagpadala ng mga modular shelter units ang DHSUD sa mga matinding naapektuhang lugar sa Cebu partikular sa Daan Bantayan, San Remigio, at Medellin—bilang pagtugon sa lindol na yumanig sa lalawigan noong Setyembre 30, alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, itatayo ang mga modular shelter units sa mga tinatawag na “Bayanihan Villages,” na ipinag-utos ng Pangulo upang pansamantalang matirhan ng mga naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol sa Cebu.