-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang agarang imbestigasyon ukol sa pagkamatay ng dalawang atleta mula sa Ateneo de Manila University na naganap kamakailan sa gitna ng kanilang pagsasanay.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire CAstro, nagpaabot na ng pakikiramay ang Pangulo sa pamilya ng mga biktima.

Binigyang-diin ni USec. Castro na nais ng Pangulo ang mabilis na pag-usad ng kaso upang matukoy ang katotohanan sa likod ng insidente.

Kasunod naman ng mga lumalabas na balita na posibleng hazing at hindi ordinaryong training ang sanhi ng trahedya, nakiusap si Castro sa publiko na huwag munang pangunahan ang opisyal na pagsusuri ng mga awtoridad.

Idinagdag ng opisyal na kailangan ang malalimang imbestigasyon dahil hindi naging maganda ang kinahinatnan ng aktibidad ng mga biktima, habang tiniyak na layunin ng administrasyon na mabigyan ng mabilis na hustisya ang lahat ng Pilipinong nasasasadlak sa ganitong uri ng sitwasyon.