Kinontra ni Sen. Cynthia Villar ang hiling ng ilang doktor na ibalik ang Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa dami ng COVID-19 cases.
Ayon kay Villar, hindi dapat ibalik ang lockdown sa buong rehiyon dahil tiyak na tatamaan muli nito ang ekonomiyang unti-unti nang bumabangon.
“Hindi na siguro, pagbutihin nila trabaho nila. Hindi pwedeng isara ang ekonomiya kasi kung di naman mamamatay sa COVID, mamamatay naman sa gutom ang tao,” wika ni Villar.
Payo nito sa mga doktor, gawin na lang ang trabaho ng mga ito para hindi na lumala ang pagkalat ng sakit.
Sa panahong ganito aniya, kailangang magpursige kahit umaabot sa puntong nakakapagod na ang sitwasyon.
Kung titigil umano ang mga doktor at isasara ang kalakalan, hindi lamang sa COVID-19 mamamatay ang mga tao kundi maging sa gutom.
Giit ng senadora, kahit sa personal niyang kapasidad namimigay na lang ito ng face mask at nagpapakalat ng paalala ukol sa health protocols.










