-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang menor de edad na prime suspect sa pagnanakaw sa bahay ng isang alkalde sa bayan ng Cataingan, Masbate.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Rustom Dela Torre, hepe ng Cataingan PNP, napag-alamang katiwala at car wash boy ng biktimang si Mayor Felipe Cabataña ang 15-anyos na itinago sa pangalang ”John”.

Sa imbestigasyon, natukoy na mayroong kasabwat ng menor de edad sa nasabing krimen na sina Anjo Tabuno, 28, at Alisatam Minandang, 27.

Ayon kay Dela Torre, nalulong sa online sabong ang batang lalaki kaya nagawa ang pagnanakaw lalo pa’t ayon sa alkalde walang lock ang vault na pinaglagyan ng mga pera at alahas nito kaya madaling nakuha.

Nahaharap sa kasong kasong Qualified Theft si Tabuno at sa kasong Theft naman si Minandang.

Ang naturang dalawang kaso naman ang isinampa laban sa menor de edad.

Samantala, napag-alamang may isa pang kinakaharap alyas John dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Illegal Possession of Firearms.

Sinabi ni Dela Torre, bago nangyari ang pagnanakaw ay natuklasan ni Cabataña na bumili ito ng baril na agad namang inutusang isuko sa mga awtoridad.