Pormal nang nagsampa ng criminal complaint ang mga opisyal mula Seoul, South Korea para simulan ang murder investigation sa mga pinuno ng Shincheonji Church of Jesus.
Ang kontrobersyal na Christian sect ang di-umano’y sentro ng coronavirus outbreak sa South Korea.
Ayon sa mga opisyal, kailangang managot ng naturang simbahan dahil sa hindi nito pagpayag na makiisa sa isinasagawang hakbang ng mga otoridad upang makontrol ang tuluyang pagkalat ng sakit.
Humingi naman ng paumanhin ang 88-taong gulang na pinuno ng simbahan na si Lee Man-hee dahil sa nangyari. Sinabi nito na kahit hindi nila sinasadya ay marami pa rin ang naapektuhan at nagkasakit.
Ginawa naman daw nila ang lahat ng kanilang makakaya upang makaiwas ngunit hindi sila nagtagumpay. Humingi rin ito ng sorry sa gobyerno matapos nilang magmatigas na hindi sila makikipagtulungan.
Umabot na sa halos 500 ang bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa South Korea na naging dahilan para umakyat ang kabuuang total nito sa 4,212.
Nadagdagan naman ng apat na katao ang mga nasawi dahil sa naturang sakit. Ayon sa Korea Centres for Disease Control and Prevention (KCDC) na pumalo na sa 22 katao ang namatay sa coronavirus.