-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa isang pastor sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato.

Kinilala ang biktima na si Pastor Narlito Pandian Tunggay, 31-anyos, may-asawa, pastor ng Community Bible Church na naka-base sa Sitio Lemsu-al 2, Barangay Tasiman sa nabanggit na bayan ngunit residente ng Barangay Lambuling, T’boli, South Cotabato.

Ayon sa Lake Sebu PNP, binaril ang pastor habang nakaupo malapit sa kanilang kusina at nagba-bible sharing kasama ang kapatid nito.

Nagtago umano ang suspek sa madilim na bahagi malapit sa bintana kung saan naroroon ang biktima.

Nagtamo ng sugat sa mukha at leeg ang nasabing pastor na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Sa ngayon, inaalam pa ang motibo ng krimen at ang identity ng suspek.