-- Advertisements --

Natukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nagpadala ng food package na sinasabing puno’t dulo ng pagkalason umano ng ilang dumalo sa birthday party ni dating First Lady Imelda Marcos noong Miyerkules.

Sa isang ulat sinabi ng Pasig City Police na hawak na nila ang ilang ebidensya sa pag-iimbestiga sa insidente gaya ng video footages at kopya ng programa.

Nakalagay daw sa naturang program ang schedule ng delivery ng food packages na alas-5:00 ng umaga, at distribusyon sa alas-8:00.

Bukod dito may isang package pa raw ng pagkain na dumating dakong alas-8:30 bilang tugon sa mechanics ng event na maagang pamamahagi ng pananghalian na pagkain.

Sinabi daw ng organizer na si Elizabeth Lopez de Leon na isang Loida Hernandez ang nag-donate ng 2,000 food package.

Pero nang tawagan umano ng pulisya si Hernandez ay sinabi nitong siya lang ang naatasan para sa delivery ng mga pagkain.

Sa ngayon pito na lang mula sa 270 biktima ang nananatili sa pagamutan.

Kabilang dito ang anim na senior citizen at isang buntis na pare-parehong nasa Pasig City General Hospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo tiniyak ni Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Council acting head Bryant Wong ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa mga otoridad.