-- Advertisements --

Mananatili sa kanilang posisyon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sina Lieutenant General Antonio Parlade at PCOO Undersecretary Lorraine Badoy.

Pero sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na sisilipin nila ang mga issue ng ilang mambabatas sa naturang dalawang opisyal.

Ikukonsidera aniya nila ang lahat ng mga options na mayroon sila patungkol sa usapin na ito.

Kahapon, 15 senador ang naghain ng resolusyon na bumabatikos sa “stupid” remark ni Parlade laban sa mga mambabatas sa mataas na kapulungan ng Kongreso.

Nauna nang nanawagan ang mga senador na tanggalan ng pondo ang NTF-ELCAC kasunod nang red-tagging sa mga organizers ng community pantries, na nagbibigay ng libreng pagkain sa mga lubhang apektado ng COVID-19 lockdown.

Dito sinabi ni Paralde na “stupid” ang mga senador dahil ipinapanawagan ng mga ito ang pagbawi sa pondo ng task force dahil kung tutuusin ang mga mambabatas na ito rin ang siyang nag-apruba sa budget nila.

Si Badoy naman ay inaakusahan si Ana Patricia Non, ang organizer ng Maginhawa Community Pantry, na mayroong kaugnayan sa mga rebeldeng komunista.