Pasado na sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 6574, o ang panukalang “Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.”
Layon ng panukala na isulong ang emosyonal, sikolohikal at kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral at mga guro, upang kanilang mapaunlad ang kanilang silid-aralan at kahandaan sa pag-aaral.
Kasama rito ang mga mag-aaral na mga kabataan na may suliranin sa batas, mga mag-aaral na napipintong huminto sa pag-aaral, mga mag-aaral na biktima ng Violence Against Women and Children, at mga mag-aaral na biktima ng mga kahalintulad na uri ng pag-abuso sa kabataan at mga aktong kriminal.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ay ang paglikha ng tanggapan para sa mental health and well-being na isasailalim sa pamamahala at pangangasiwa ng Department of Education (DepEd) sa bawat school division sa buong bansa, kasama na ang pag-arkila at pagpapakalat ng mga mental health professionals, upang ang bawat pampublikong paaralan, mga institusyong vocational, at mga tanggapan ay magkakaroon ng mental health professionals o mental health service providers.
Samantala, lusot na rin sa second reading ang House Bill No.6630, o ang panukalang “Local Universities and Colleges (LUCs) Governance Act.”
Layon nito aprubahan ang patakaran sa pagtatatag at operasyon ng mga Local Universities and Colleges (LUCs).
Sa nasabing panukala gagawing requirements sa pagtatatag ng LUCs ang pagsusumite sa Commission on Higher Education ng mga sumusunod: 1) feasibility study; 2) certification of availability of funds; 3) project development plan; at 4) five-year institutional development plan.
Aprubado rin sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 5702 o ang panukalang “Agrarian and Agricultural Loan Restructuring and Condonation Act,” gayundin ang iba pang mga panukala na lilikha ng mga karagdagang hukuman sa iba’t ibang judicial regions.










