Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagpasa ng panukalang batas na magbibigay ng multi-hazard maps para sa bawat lungsod at bayan sa bansa. Layunin nitong makatulong sa paghahanda sa sakuna at sa pagplano ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Yamsuan, ang kanyang House Bill 4035 ay makatutulong sa pagpapatupad ng bagong batas na Republic Act 12287 o ang State of Imminent Disaster Act, na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kamakailan. Sa ilalim ng batas na ito, puwedeng magdeklara ng “state of imminent disaster” ang gobyerno kahit bago pa man tumama ang sakuna, upang makapaghanda agad.
Ang multi-hazard maps ay tutukoy sa mga lugar na posibleng tamaan ng baha, landslide, pagputok ng bulkan, lindol, storm surge, at iba pa.
Gagamitin ito ng mga lokal na DRRM councils para malaman kung saan dapat maglunsad ng preemptive actions.
Sa ilalim ng HB 4035, inaatasan ang DENR sa tulong ng NAMRIA, DOST, PhilSA, Climate Change Commission, NDRRMC, at mga LGU para bumuo ng mga mapa at tiyaking ito ay updated kada tatlong taon. Kasama rin sa plano ang pagbibigay ng training at impormasyon sa mga opisyal ng barangay, rescue teams, at komunidad.
Ang mga hazard map ay isasama sa disaster response at development planning ng LGUs, at gagamitin din ng mga national agencies sa pagplano ng mga proyekto ng gobyerno.
Dagdag ni Yamsuan, ang panukala ay magpapatuloy sa nasimulan ng Project NOAH, na nakatulong sa pagtukoy ng mga lugar na madalas tamaan ng matinding panahon.
Layunin ng panukala ni Yamsuan na makaiwas sa ganoong kalaking pinsala sa pamamagitan ng maagang kaalaman at paghahanda.