-- Advertisements --


Binulabog ni Los Angeles Lakers superstar LeBron James ang mundo ng NBA matapos mag-post ng isang misteryosong mensahe sa social media kung saan binanggit niyang may malaking desisyong kanyang pinag-iisipan.

Dahil dito, samu’t saring reaksyon at espekulasyon ang lumutang mula sa kanyang mga tagahanga, marami ang nagtatanong kung ito na ba ang huling season ni “King James” sa NBA.

Sa kanyang ika-20 taon bilang propesyonal na manlalaro, si James ang kauna-unahang atleta sa liga na umabot sa ganitong tagal ng paglalaro.

Sa edad na 40 at nalalapit nang mag-41 ngayong Disyembre, hindi malayong isipin na maaaring magpaalam na siya sa basketball.

Gayunpaman, nananatiling malakas ang kanyang performance para sa Lakers, kung saan nag-a-average siya ng 24.4 puntos, 8.2 assist, 7.8 rebounds, at steal kada laro.

Bukod pa rito, nagtala siya ng 51.3% shooting efficiency at 37.6% mula sa three-point line, patunay na hindi pa rin kumukupas ang kanyang husay sa court.