Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga Senador na ipasa na ang panukalang dinisenyo upang paigtingin ang kakayahan sa cybersecurity ng mga organisasyon sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill 2066 o ang Critical Information Infrastructure Protection Act, kakailanganin ng mga organisasyon na magkaroon ng sarili nilang cybersecurity experts at kailangan nilang bumuo ng cybersecurity plan.
Ang panukala ay nagmamandato sa lahat ng critical information institutions (CII) na magpatibay at magpatupad ng mga sapat na hakbang upang protektahan ang kanilang mga sistema at imprastraktura ng information and communications technology (ICT) at tumugon sa anumang insidente ng information security.
Una nang nagpahayag ng pangamba si Gatchalian kaugnay sa potensyal na banta sa cybersecurity ng mga financial institution at mga public utility kasunod ng pag-hack sa ilang mga institusyon ng pamahalaan.
Inihayag ng Senador na sa sunud-sunod na cyberattack sa mga website ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno, makikitang hindi handa ang mga awtoridad at kailangan agad na kumilos ang gobyerno.