-- Advertisements --

Nananawagan si Speaker Faustino “Bojie” Dy III ngayong Pride Month na magkaroon ng isang lipunang may pantay na dignidad, respeto, at oportunidad para sa lahat ng Pilipino nang walang nararanasang diskriminasyon.

Sa kanyang video message, sinabi ni Dy na ipinagdiriwang sa buwang ito ang tapang ng pagiging totoo sa sarili at ipinapaalala nito na ang bawat tao ay may mahalagang lugar sa lipunan.

Binigyang-diin ng House Leader, na anuman ang pinagmulan, paniniwala, o pagkakakilanlan ng isang tao, hindi ito dapat maging dahilan ng pangmamaliit o diskriminasyon dahil ang paggalang sa dignidad ng tao ay isang karapatan ng lahat at hindi pribilehiyo ng iilan lamang.

Ayon pa kay Dy, nakakamit ang tunay na pagkakapantay-pantay kapag ang bawat mamamayan ay malayang nakakapag-ambag ng kanilang talento at malayang nakakapagtrabaho para sa kanilang mga pangarap nang walang takot sa panghuhusga.

Dagdag niya, mas nagiging matatag at nagkakaisa ang mga komunidad kapag may pagtanggap at malasakit sa kapwa.

Binati ng Speaker ang komunidad ng LGBTQIA+ at hinikayat ang mga Pilipino na magtulungan upang bumuo ng isang mas inklusibo at makatarungang kinabukasan para sa lahat.