Suportado ni Parañaque 2nd District Representative-elect Brian Raymund Yamsuan ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pansamanatalang suspindihin muna ang EDSA-Reguild project at gumamit na lamang ng makabagong teknolohiya para mapabilis ang construction.
Ayon kay Yamsuan ang nasabing hakbang ng Pangulo ay patunay na nakikinig ito sa hinaing ng taumbayan lalo at kapakanan at interes ng mga tao ang nakataya dito.
Sinabi ni Yamsuan na talagang magkakaroon ng inconvenience sa mga motorista at commuters kung ipagpatuloy ang pagkukumpuni sa EDSA na tatagal ng dalawang taon.
Batay sa isang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na posibleng lumubo pa sa P5.4 billion ang pagkalugi sa ekonomiya ng bansa dahil sa traffic congestion sa Metro Manila pagsapit ng 2035 kung walang gagawing pagsasa-ayos sa imprastraktura.
Binigyang-diin din ni Yamsuan na kailangan na rin talagang isa-ayos ang EDSA dahil dekada na rin ito.
Nakatakdang simulan ng gobyerno ang P8.7 billion EDSA Rebuild project sa darating na June 13,2025 na magsisimula sa Pasay City patungong Shaw Boulevard segment.