-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nababahala sa ngayon ang ilang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong matapos na dumarami pa sa ngayon ang kaso ng mga nagpositibo sa Wuhan coronavirus sa nasabing siyudad.

Ayon kay Bombo international correspondent Rowelyn Latuab, halos ghost town na rin sa ngayon ang mga pasyalan sa Hong Kong dahil sa hindi na masyadong lumalabas ang mga tao sa takot na mahawaan ng virus.

Sa katunayan, maliban sa nagkakaubusan na ng face mask ay nagpa-panic buying na rin ang mga tao dahil sa takot na may mga Chinese mula sa Wuhan at mainland China na nakakapasok sa mga pamilihan at nagdadala ng virus.

Samantala, patuloy ang advisory ng Philippine Consulate sa Hong Kong sa mga OFW’s doon na iwasan ang mga matataong lugar at magsuot ng mask at panatilihin na malakas ang katawan upang makaiwas sa virus.

Ito ay matapos na maiulat na may dalawang Pinay domestic helper na naging positibo ng virus.

Napag-alaman na nagbakasyon sa Wuhan ang mga employer ng nabanggit na mga OFW at nakasama ang mga ito doon.