-- Advertisements --

Misinformation ang nakakaapekto sa mga isinagawang political surveys kaya hindi maaaring pagbatayan ito na totoong sintimyento ng taumbayan.

Ito ang iginiit ni dating Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Secretary General Bro. Clifford Sorita sa harap na rin ng lumalabas na surveys na nagpapakitang nangunguna ang mag-amang Davao City Mayor Sara at Pangulong Rodrigo Duterte sa presidentiable at vice presidentiable race.

Ipinaliwanag ni Sorita na ang problema sa ngayon ay ang pagdami ng trolls.

“Lumalabas na factor na nakakaapekto sa mga survey ay misinformation, yung mga trolls is a very big problem now because it tends to distort information and in the same process if the information is distorted, then the survey results and people response towards the survey are also also bit affected,” paliwanag ni Sorita.

Sinabi pa ni Sorita na dahil online ang survey ay tiyak na problema ang mga trolls na nakadikit agad, ang resulta nito ay hindi matuturing na authentic at reliable ang pagsagot ng survey.

Gayundin ang pananaw ng grupong 1Sambayan, giit ng opposition coalition na ang pangunguna ni Mayor Sara sa survey ng presidential race ay dahil na rin sa noong 2020 pa ay nag iingay na ito na tatakbo sa eleksyon sa pamamagitan ng nagkalat na campaign posters.

“Kaya sya tumataas sa initial survey kasi she is the only candidate who started campaigning as early as December 2020, all over, ang daming poster ng Run Sara Run,” paliwanag ni 1Sambayan convenor Neri Colmenares.

Nang pumasok ang taong 2020 ay pinalutang na umano at pina-iingay ng administrasyon ang planong Duterte-Duterte tandem kaya naman ito ang syang tumatak sa mga survey.

Kumbinsido ang 1Sambayan na sa susunud na survey ay babagsak ang rating ng Duterte administration dahil sa palpak na pagtugon sa pandemic at sa oras na magkaroon na ng united opposition.

Sa panayam ng foreign press kay UP Political Science Professor Maria Ela Atienza ipinaliwanag nito na ang high popularity ng mga Duterte ay bunsod ng divided opposition at resulta ng culture of fear sa administration.

Tinukoy ni Atienza ang July 2020 Social Weather Station mobile phone survey na nagsasabing mapanganib na magprint at magbroadcast ng anumang kritikal sa administrasyon kahit pa man totoo ito.

Aminado ang political analyst na si Mon Casiple na magiging malaking dagok sa administrasyon para sa 2022 election ang naging paghawak nito sa pandemic, naniniwala ito na ang magiging basehan ng taumbayan sa pagpili ng susunud na lider, sa national man o sa local election ay kung sino ang nakaganap sa kanilang tungkulin na matulungan ang mga naapektuhan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

May mga local government units na nagexcel sa paghawak ng covid cases sa kanilang lugar habang may ilan na bagsak.

Tiyak umano na si Mayor Sara kung tatakbo sa pang-panguluhan ay titignan ang naging paghawak nito ng pandemic sa Davao City.