-- Advertisements --

ILOILO CITY – Binigyan ng 60 percent na grado ng Office of the Civil Defense (OCD) ang pangalawang simulation exercise na isinagawa ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kasunod ng Iloilo Strait tragedy.

Kabilang sa mga lumahok ay ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay OCD Region 6 Director Jose Roberto Nuñez, sinabi nitong ang layunin ng nasabing aktibidad na maitama ang mga pagkakamali sa naunang simulation exercise.

Ayon kay Nuñez, ipinakita sa simulation exercise ang samu’t saring pangyayari sa baybayin lalo na kung hindi maganda ang lagay ng panahon.

Inihayag ni Nuñez na hindi pumasa ang grado ng pangalawang simulation exercise dahil mayroong kakulangan sa komunikasyon ang rescuers.

Ang PCG-Iloilo ang nagsilbing incident command post habang ang OCD Region 6 ang nagsilbing emergency operation center.