-- Advertisements --

Naniniwala si OFW party-list Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino na naipakita ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapahalaga sa mga OFWs sa unang taon nitong pagsisilbi sa pwesto.

Ayon kay Cong Magsino, marami ang nagawa ng kasalukuyang administrasyon para mapangalagaan ang kapakanan ng mga OFWs, kasama na ang suporta para sa kanilang mga naiwang pamilya sa Pilipinas.

Naging sinsero din aniya si Pang. Marcos sa kanyang mga naipangakong programa sa mga OFWs kasama na ang pangakong pagkakaroon ng hiwalay na ahensiya na siyang magpo-protekta sa kapakanan ng mga ito – ang Department of Migrant Workers.

Kasabay nito ay umaasa ang kongresista na mapapalakas pa ng administrastyong Marcos ang mga bilateral labor agreements sa pagitan ng Pilipinas at iba pang mga bansa bilang proteksyon sa kalagayan at akapakanan ng mga Overseas Filipinos.

Mahalaga aniya na maipagpatuloy pa rin ng administrasyon ang pagkalinga sa mga OFWs sa pamamagitan ng magagandang polisiya at programa para sa kanila, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at ambag sa ekonomiya ng bansa.