-- Advertisements --

”Wala akong bilib,” ito ang naging maaanghang na pahayag ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo sa Duterte Youth Partylist matapos ang naging panayam sa kanya at inihayag ang pag-suporta sa Commission on Elections (COMELEC) ukol sa pag-kansela sa registration ng grupo.

Dagdag pa ni Panelo na ginagamit na lang umano ng grupo ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sabay sabing ”puro mga di magaganda ang record niyan eh.”

Pinuna rin ni Panelo ang kontrobersyal na kasaysayan ng Duterte Youth, lalo na ang mga “questionable nominations,” at sinabi na marami na itong paglabag mula pa sa simula, kabilang na ang hindi pagkakatugma ng mga nominado sa pagiging kabataan.

“Pabor ako na tanggalin na ‘yan,” ani Panelo, na tumutukoy kay Ronald Cardema, na unang naging nominee ng grupo ngunit na-disqualify dahil sa pagiging sobra sa edad bilang youth representative.

Sa kabilang banda hindi na rin ikinagulat ng dating spokesperson at inahin na mayroong sapat na batayan para umano tanggalin ang grupo.

Magugunitang pinawalang bisa ng COMELEC ang registration ng Duterte Youth Party-list, matapos maresolba ang isang kaso noong 2019 tungkol sa kanilang pagiging opisyal na party-list group.